Ang puno ng Tipolo o ang Antipolo Tree ay isang mahalaga at makasaysayang punong kahoy sa Lungsod ng Antipolo. Bukod sa sinasabing dito hinango ang pangalan ng pook na ito ay sa mga sanga pa rin daw nito nakita ang imahe ng Birhen ng Antipolo matapos ang tatlong ulit na pagkawala nito sa pook ng Sitio Santa Cruz na unang pinagdalhan sa kanya, humigit-kumulang sa tatlong daan at pitumpo at siyam na taon na ang nakalilipas.
Bunga ng pangyayari, sa pook na iyon na ngayon ay kinatatayuan ng Antipolo Cathedral ay ipinagawa ng mga paring Hesuita ang simbahang bato noong 1630-1633 na sa kasamaang palad ay nawasak noong Marso 6-7, 1945 sa panahon ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pasipiko.
Ang punong kahoy na ito na ayon sa kasaysayan ay malaganap na tumutubo sa lahat halos ng panig ng Antipolo apat na raang taon na ang nakalilipas ay unang nakilala sa kanyang pang agham na pangalang (scientific name) Artocarpus Incisa. Subalit sa mga aklat na The Forest of the Philippines ni H.N. Whitford noong 1911; Commercial Woods of the Philippines ni E.G. Schneider; Minor Product of Philippine Forest ni William H. Brown noong 1920 ng Bureau of Forestry; gayon din sa aklat na Philippine Woods ni Luis J. Reyes ng Department of Agriculture and Commerce noong 1938 ay sinasabing Artocarpus Cummunis.
Ayon pa rin sa nabanggit na mga aklat ang punong kahoy na ito ay hindi lamang sa pook ng Antipolo matatagpuan. Maging sa mga lalawigan ng bansa buhat sa Cagayan hanggang Mindanao ay marami din nito. At sa bawat bayan o lalawigan ay may kanya-kanyang katawagan (common name) ito na gaya ng tipulo, tipolo, pakak, kamangsi, rima, ugob, pakak-bakia, tuyop, kamanse, dalungian, agob, basara, tagob, tugob, atipuno, antipolo, at iba pa.
Sinasabi pa rin sa nabanggit na mga aklat na ang mga punong kahoy na kapamilya ng Antipolo Tree ay ang Anubing (Artocarpus Cumingiana) at ang Nangka (Artocarpus entergra/integrefolia).
Sa ibang lalawigan ay sinasabi rin na kinakain ang murang bunga nito sa pamamagitan ng pagsasama sa nilagang karne. Ang magulang na mga buto naman ay ibinubusa na 'tulad ng balatong. Subalit dito sa Lungsod ng Antipolo ay hindi kinakain ito. Ang tuyong dahon laman nito, kasama ang tuyong dahon din ng abocado at sariwang dahon naman ng pandan ay isinasama sa pinakulo o nilagang tsaa upang maging mabango at malinamnam ang lasa.
Samantala, sa pahina 162 ng The heritage Illustrated Dictionary of the English Language International Edition, na ang punong kahoy na Artocarpus Cummunis ( or A. Incisa) ng pook ng Polynesia ay ang tinatawag na Breadfruit. Subalit sa pahina 158 naman ng The New International Encyclopedia 1996 Edition published by Triden Press International ay sinasabi na sa South Pacific ang Breadfruit nila ay ang Artocarpus Atilus na kapamilya ng mga puno ng mulberry ay kinakain ang bunga. Marami rin daw ang tumutubo nito sa tropical America. Kung ano ang pagkakahawig, pagkakamukha, o pagkakaiba ng mga iyon sa ating Antipolo Tree ay malalaman natin sa ibang pagkakataon.
Samantala pa rin, sa gitna ng kahalagahan ng Antipolo Tree, ang lahat halos ng sektor ng mga mamamayan ng Lungsod ng Antipolo ay waring walang pagmamalasakit dito. Katunayan, samantalang isinusulat ito, humigit-kumulang lamang marahil sa bilang na limampu ang natitirang tumutubo doon na halos walang pumapansin liban kung ang lilim nito ay gagawing pananggalang sa init ng araw at mga bahagyang pag-ambon.
Sa liwasang bayan ng Lungsod ng Antipolo, lubhang napakahirap paniwalaan subalit tutoo, wala kahit isang puno ng Antipolo Tree ang nakatanim o tumutubo dito. Maging sa mga lote ng pribado at publikong paaralan dito sa Antipolo ay mahirap makakita ng kahit isang Antipolo Tree na tumutubo doon. Kung mayroon man, napaguusapan kaya ng mga guro at mga estudyante nila ang tungkol sa punong kahoy na ito?
Sa gilid ng open space na kinaroroonan ng basketball court ng Monte Rosas Executive Village sa Barangay Dela Paz ay may dalawang puno ng Antipolo Tree na itinanim ng inyong lingkod walong taon na ang nakalilipas. Napakaganda ng tubo, malilim at malaking kasiyahan ang naidudulot nito sa mga naninirahan doon lalo na sa kanilang mga kabataan.
Sa tabi ng gusali ng yumaong Francisco "komong" Sumulong sa Ninoy Aquino Blvd., Barangay Dela Paz na kung saan naroroon ang tanggapan ng DENR, ay isang magandang puno ng Antipolo Tree ang matatagpuan. Iyon ay kaloob ng iyong lingkod kay Ka Aging Reyes Sumulong walong taon na ang nakalilipas. Maidadagdag pa rin natin dito na sa tabi ng Barangay Hall ng Dalig ay isang napakaganda ring Antipolo Tree ang itinanim ni Kapitan Engineer Loni M. Leyva. Gayon din sa tabi ng magandang tahanan nina Doktora Resurrection Marrero-Acop, MD sa Barangay Dela Paz; Dr. Juan F. Torres Jr. MD sa Cottonwood Height; at Rico Naidas sa tabi ng kanilang Las Brisas Hotel & Conference Center malapit sa Beverly Hills. Sa mga taga-Antipolo, matapat nating pahalagahan ang puno ng Tipulo, ang Antipolo Tree, na luntiang simbulo ng maluwalhating kaysaysayan, kultura, at mga tradisyon ng ating Lungsod.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento